Paano Magplano Ng Baon Para Sa Anak? 12 Tips Na Kayang Sundin Ng Busy Parents

Paglaanan ng oras ang paglalatag ng baon meal plan para sa isang linggo para mapadali ang pag-handa ng masustansiyang pagkain.
food in a container
Photo by Canva

Hangad natin bilang magulang ang mabigyan ng malusog na kinabukasan ang ating mga anak. Kaya naman maging sa pagpaplano ng babaunin ng bata, binibigyan natin ito ng oras at importansya.

Ang tamang pagpaplano ng babaunin ng ating mga anak ay hindi lamang nagtuturo sa mga bata ng tamang nutrisyon kundi nangungusap din na bigyan nila ng halaga ang kanilang kalusugan. Hindi rin maiaalis na malaking tulong ang tamang pagkain upang mabigyan ng sapat na enerhiya ang mga bata para sa mga gawain sa paaralan.

Makatutulong din ito maturuan sila na magtaguyod ng malusog na pamumuhay at magbigay-daan sa kanila upang magtagumpay.

Narito ang ultimate guide upang matulungan ka sa pagpaplano ng baon ng inyong mga anak.

1 Kumunsulta sa inyong anak.

Bago pa man magsimula sa pagpaplano, mahalagang kumunsulta sa inyong mga anak tungkol sa mga paborito nilang pagkain. Ito ay malaking tulong upang matiyak na excited sila sa bawat pagbukas ng kanilang baunan. Mahalagang tandaan na ang pagkaing nagustuhan nila ay siyang nagbibigay ng kasiyahan at motibasyon para kumain ng marami. Dagdag pa rito na ang pakikipag-usap sa kanila ay nagbibigay-daan upang makaramdam ng partisipasyon at kontrol sa kanilang sariling pagkain.

Bukod sa paboritong pagkain ng inyong anak, mainam din malaman ano ba ang mga ayaw nilang pagkain at maging iyong mga pwedeng magdulot ng allergy sa bata. Mahalaga na makipag-ugnayan sa pediatrician ng bata sa ganitong aspeto.

2 Alamin ang nutrisyonal na pangangailangan ng bata.

Mahalagang malaman mo bilang magulang ang nutrisyonal na pangangailangan ng inyong mga anak. Alamin ang mga pagkain na mayaman sa protina at ano ba ang mga benepisyong taglay ng grains, gatas, gulay, at prutas. Mabuti ring malawak ang inyong kaalaman sa mga alternatibong mapagkukunan ng nutrisyon kagaya ng mga pagkaing mayaman sa iron o omega-3 fatty acids.

Ang pagkakaroon ng kaalaman sa mga bagay na ito ay magbibigay-daan sa inyo upang makapaghanda ng masusustansyang baon para sa inyong mga anak. Huwag mahiyang makipag-ugnayan sa pediatrician ng bata. Kung may kilalang nutritionist, maganda rin magtanong sa kanila tungkol sa mga tamang sukat ng pagkain na dapat inihahain sa araw-araw.

3 Gumawa ng isang lingguhang menu.

Magandang ideya na magplano ng mga baon para sa isang buong linggo. Isipin ang iba’t ibang uri ng pagkain tulad ng ulam, kanin, gulay, at prutas. Siguraduhin na may sapat na iba’t ibang pagkaing na may magkakaibang kulay at lasa. Ito ay magbibigay ng variety at makatutulong na makuha ang mga kinakailangang sustansya para sa kanilang kalusugan.

Makatutulong din na mas ma-achieve ng bata ang benepisyo ng mga nutrisyonal na pangangailangan kung mailalapat mo ito sa schedule nila sa paaralan. Halimbawa, kilala ang isda bilang brain food kaya mainam na ipabaon ito sa mag-aaral sa mga araw na sila ay may pagsusulit sa paaralan. Mabuti rin na gumawa ng talaan kung anong pagkain ang ihahain sa bata araw-araw upang matiyak na ang baon niya ay hindi paulit-ulit at kabilang sa iba’t ibang food group.

different baon recipes
Photo by Majoy Siason Styling By Lady Badoy

4 Magplano ng grocery list.

Kaagapay ng lingguhang listahan ng baon ay ang pagpaplano rin ng inyong grocery list. Bilang bahagi ng paghahanda, gumawa ng isang listahan ng mga pangunahing sangkap na kakailanganin sa pagluluto ng mga baon ng inyong mga anak. Siguraduhin na kasama rito ang mga pangunahing sangkap ng mga recipe na nais mong ihanda.

CONTINUE READING BELOW

Ang paggawa ng isang listahan ay makakatulong sa inyo na hindi malimutan ang anumang kinakailangang bilhin. Maiiwasan din ang hindi inaasahang biglang pagpapalit ng lulutuin dahil lamang sa kulang ang sangkap na kakailanganin.

5 Maghanda ng mga mapagkukunan ng protein.

Ang protina ay mahalaga sa pag-unlad at paglaki ng bata. Tiyaking kasama ito sa baon ng mga anak upang maibigay sa kanila ang tamang nutrisyon na kailangan ng kanilang katawan.

Ilan sa mga pagkaing mayaman sa protina ay manok, karne ng baboy, isda, itlog, legumes, at tokwa. Maaaring maghanda ng mga pagkaing may protina tulad ng adobo, tortang talong, o tinapay na may palamang manok o karne.

6 Maghanda ng mga prutas at gulay.

Bukod sa protina, mahalaga rin na makatanggap ang bata ng sariwang prutas at masustansyang gulay. Pwedeng maglagay ng sliced fruits tulad ng pakwan, melon o papaya sa baunan ng bata. Upang mas lalong mahikayat ang mga anak na kumain ng gulay at prutas, subukang magsama ng isang maliit na lagayan ng dip tulad ng hummus o peanut butter. Masarap din lagyan ang sandwich ang lettuce, tomatoes, at cucumber. Dagdag nutrisyon na ito, dagdag kulay pa at enerhiya para sa buong maghapon.

vegetables at palengke wet market
Photo by Shutterstock

7 Iwasan ang mga processed food.

Madali mang ihain, mas mabuting umiwas sa pagbibigay ng processed meat sa bata. Subukan na magluto ng sariling mga pagkain gamit ang fresh na mga sangkap. Iwasan maging ang mga fast food meals.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Recommended Videos

Ang paghahain ng mga sariling lutong-ulam ay hindi lamang mas malusog, ngunit mas pinapahalagahan nito ang kalinisan at kalidad ng mga pagkaing matatanggap ng inyong mga anak. Maghanda rin ng mga masustansyang snacks tulad ng homemade granola bars. Mas mainam ding pagbaunin ang bata ng tubig sa halip na mga inumin na may mataas na sugar content.

Upang maiwasang maging paborito ng bata ang processed food tulad ng hotdog, meatloaf, at chicken nuggets, mainam na umiwas sa pagbili nito.

8 Gumamit ng angkop na lagayan. 

Mabuting bigyang pansin hindi lamang ang nutrisyong matatanggap ng bata sa pagkain, ngunit pati ang paglalagyan ng pagkain.

Ang pag-iimbak ng baon ay mahalagang bahagi ng proseso. Maghanda ng mga lalagyan na magiging tama para sa bawat sangkap upang maiwasan ang kontaminasyon. Mainam ding gumamit ng mga lagayan na walang kemikal o plastik upang maiwasan ang posibilidad ng pagkalason. Hayaan ang mga baon na lumamig sa refrigerator upang mapanatili ang kanilang freshness.

9 Maging creative.

Nakapupukaw ng atensyon sa bata ang mga pagkain na appealing hindi lamang sa paningin, bagkus maging sa pang-amoy. Subukang gumamit ng cookie cutter para gawing mas kaakit-akit ang hugis ng mga tinapay at prutas. Ang pagiging creative ay hindi lamang magbibigay ng saya sa inyong anak, ngunit maaari ring maging dahilan upang hikayatin silang kumain nang mas marami sa kanilang baon.

meatballs in filipino pork barbecue sauce with rice

10 Magbigay ng variety.

Huwag matakot magbigay ng variety sa mga baon ng inyong mga anak. Subukang magdagdag ng mga bago at kakaibang pagkain na hindi pa nila natitikman. Ito ay magbibigay sa kanila ng kasiyahan at pagpapahalaga sa kanilang pagkain. Sa ganitong paraan, nadidiskubre rin natin ang mga bago nilang paboritong pagkain. Maaari ring mag-experimento sa mga recipes at baguhin ang mga klasikong baon tulad ng paglalagay ng pinya sa adobo o pickles at cucumber sa sandwich.

11 Pagsasanay sa pagiging organisado.

Sa paghahanda ng pagkain ng bata, tiyakin na kumpleto ang mga gamit niya sa pagkain. Nakasalansan na ba nang maayos ang mga kubyertos at naipasok na ba sa baunan ang tubigan? Madalas, hindi nagagalaw ang pagkain ng bata dahil nakaligtaan ilagay ang kutsara at tinidor.

Mahalaga rin maituro sa bata ang pagiging maayos at organisado. Ituro sa kanila na pagsama-samahin ang mga bagay-bagay pagkatapos itong gamitin at huwag kalimutang isilid sa lagayan o baunan. Sa pagiging masinop at maalaga sa gamit, naiiwasan ang unnecessary purchases ng bagong baunan at maging ang biglaang pagbibigay na lamang ng pera upang bumili ng pagkain dahil sa walang magamit na baunan.

CONTINUE READING BELOW

12 Maglaan ng oras. 

Ang paghahanda ng baon para sa mga anak ay nangangailangan ng oras at pagpaplano. Maglaan ng sapat na oras sa gabi upang magluto at maghanda ng baon. Ito ay makatutulong na mabawasan ang pagkabalisa sa umaga at mabigyan ng mas malusog at masarap na pagkain ang inyong mga anak.

Paglaanan din ng oras ang paglalatag ng baon meal plan para sa isang linggo. Ito ay para makasigurado na hindi paulit-ulit ang mga naihahain at natitiyak na ang bawat pagkain ay mapagkukuhanan ng nutrisyon, lakas, at saya.

This story originally appeared on Smart Parenting. Minor edits have been made by Yummy.ph editors.

CONTINUE READING BELOW

Most Popular Recipes

Close
Close
My Agile Privacy
We use cookies to ensure you get the best experience on Yummy.ph. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. Find out more here.
Warning: some page functionalities could not work due to your privacy choices