Tinolang Manok Recipe - Paano Lutuin At Mga Sangkap

Ang tinolang manok ay isang tradisyonal na putaheng Filipino. Isa itong masustansiyang sabaw na masarap ulamin tuwing tag-ulan. Dahil masusustansiya ang mga gulay na sangkap ng tinolang manok, mainam rin itong ihain sa mga maysakit o sa masasama ang pakiramdam. Bagamat madalas ay manok ang tinitinola, maari ring gumamit ng ibang karne o isda sa tinola. Anuman ang karne o isdang mapili ninyong isahog sa tinola, siguradong bagay itong iulam sa mainit na kanin!
Paano magluto ng tinolang manok?
Ang recipe ng tinolang manok ay isa sa mga pinakamadaling matutunang lutuin. Maliban sa pag-gisa ng sibuyas, bawang, at luya, isa sa mga nakakapagpasarap sa tinolang manok ay ang pag-gisa ng manok bago ito pakuluan. Kapag malambot na ang manok, maaari nang idagdag sa sabaw ang malunggay at hilaw na papaya, na siyang magbibigay-sustansiya sa tinola. Kung sakaling hindi panahon ng papaya, huwag mag-alala dahil maaari ring ipamalit rito ang sayote, habang ang malunggay naman ay maaaring palitan ng dahon ng sili.